Tuesday, December 29

Bagong taon, Bagong buhay


Literal ang kahulugan ng bagong buhay para sa akin ngayong paparating ang taong 2010. Siguro nga pinariringgan ko ang aking sarili noong isinulat ko ang paksang "Birthmark sa Wetpu" sa blog ding ito. Lahat na ata ng klase ng pagbubusisi nagawa ko na, pero kahit anong klase pa ng paghahanap ang gawin ko, wala talaga akong nakikitang balat sa aking pwetan para mapatunayan na talagang malas nga ako!

Pansin ko kasi mukhang lapitin ako sa disgrasya. May tinatawag tayong accident prone area, accident prone din ba ang pwedeng ibansag sa'kin? Pangatlong pagkakataon ko ng maka-engkwentro ng vehicular accident. Tama ang pagkakabasa nyo, hindi lang isa..hindi rin dalawa..kundi pangatlong beses na! Kung mala-pusa pa ang buhay ko, may natitira pa akong anim. Anim na buhay para sa susunod na anim na taon? Hindi ko alam ang saktong sagot d'yan… Ang saklap! Parang tinataningan na ang sarili.

Hindi ko na ito ipinaalam kay ermat, sigurado akong hihimatayin 'yun sa nerbiyos lalo pa't nasa ibayong bansa ako. Pero sigurado akong alam ito ni erpat kasi lagi lang siyang nasa tabi-tabi para inspeksyonin ako. Kaya request ko lang Itay, wag nang magparamdam para sabihin pa ito kay Inay (Miss you po, mwah!). Hindi rin naman ako napuruhan kaya minabuti kong i-sekreto na lang. Kaya mga katropa, atin-atin lang ito ha?

Sa tatlong aksidenteng ito, lahat 'di ako ang nagmamaneho. Dahil kapag ako ang may control sa auto, todo ingat lagi ang nasa utak ko. kahit malasing pa ng husto, walang galos ang sasakyan pag-uwi ko. Proven na 'yan, hindi kasi ako kaskasero. Ewan ko ba kasi sa driver naming Egyptian, kala mo nauubusan ng oras kung nagmamaneho. Sarap upakan at tadyakan nang matauhan!

Buti nga buhay pa ako, salamat ng marami Bro at buo pa rin ang aking pagkatao. Hindi mo ako pinabayaan nung kailangan ko ang tulong mo. Kaya sa pagsalubong nitong bagong taon, panibagong buhay ang bigay ng ating butihing Maykapal. J

•ŠLŸ•

Tuesday, December 22

Ninong, namamasko po!



Kapag parating na ang "BER" months, isa na itong hudyat na ang kapaskuhan ay papalapit na. Simula na para marinig muli ang mga pamaskong kanta at ang mahiwagang tinig ni Jose Marie Chan. Panahon na rin para halukayin ang nakabaong Christmas tree at mga dekorasyon. At oras na para ihanda ang sarili sa todo-todong kainan at kasiyahan! Maliban sa mga ito, oras na rin para mag-ipon ng todo para paglaanan ang mga aguinaldong kakailanganin sa mga inaanak na iyong haharapin.

Nasa isang dosena lang naman 'ata ang mga inaanak ko, partial and unofficial list yan. O di ba, parang halalan na?! Malay mo may mga bugos ka rin palang inaanak, mahirap ng masalisihan! Ano nga bang regalo ang nararapat para sa isang inaanak? Minsan sumasakit ang ulo ko sa kaiisip kung ano nga ba ang magandang bagay na pwedeng ibigay. Kaya kadalasa'y nauuwi na lang sa pera ang ibinibigay. Tag-lilimang daan bawat isa, samakatuwid, anim na libo ang madadali sa'yo sa doseng mga bata kung pera ang gawing aquinaldo.

Bakit limang daan? Ba't hindi na lang gawing isang daan? (Kasi mayabang ako at mataas ang pride ko!) Kasi ayokong makarinig ng pamaskong himig na ang litanya ay, "Thank you! Thank you! Ang babarat ninyo! Thank you!". Ngayon gets mo na? hehehe. Pero seryosong usapan, kakarampot na lang ang mabibili ng isang daan. Tumataas ang presyo ng mga bilihin, kaya dapat taasan na rin ang perang regalo ngayon. Nakakapanghina man at kadalasa'y nakakabutas ng bulsa, ngunit hindi naman masusuklian ang ngiti, saya at pagmamahal na naibibigay ng mga batang itinuturing kang pangalawang ama.

•ŠLŸ•

BABALA: Sa mga magulang na plano ako gawing ninong, hanggang bente lang ang quota na kaya ko. Sa mga barkadang kakapanganak lang - first come, first serve ito, kaya tawag na ng makareserba! Ho! Ho! Ho!

Sunday, December 13

MELASON (Melai at Jason)



Kung hindi nyo sila kilala, malamang 'di ka adik sa panonood ng "Pinoy Big Brother: Double Up" o baka solid Kapuso ka lang talaga. Pwes ngayon na ang tamang panahon para maging traydor paminsan-minsan sa nakasanayan mo nang inaaabangan sa telebisyon. Oras na para maiba ang ritwal sa araw-araw, at humanda na sa bagyong hihigitan pa ang lakas ni Ondoy! Ito ay ang bagyong Melason!

MELASON, short for Melai and Jason, sila ang sikat na loveteam sa bagong edisyon ng PBB. Ito ang tambalang tatalo sa kasikatan ni Kim Chui at Gerald Anderson, ang tataob sa tandem nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo, at ang dahilan ng nararanasang kaba ni KC Concepcion at Piolo Pascual. Ganyan katindi ang tambalang Melai at Jason, talagang may lason ang hatid nito lalong-lalo na sa akin.

Kapag tapos na sa trabaho, ito lagi ang unang inaaatupag ko. Pang araw-araw na parte na ito ng buhay ko (kaya plano kong idamay pati kayo! Hehe). Hindi kumpleto ang gabi kung 'di nakakapanood ng PBB, at hindi kumpleto ang timpla ng buong araw kaya dapat walang mintis dito. Sa katunayan, sila ang pumapawi ng pagod ko sa buong maghapon. Laging halakhak at minsa'y kilig ang kanilang binibigay. Swak na swak kasi ang kumbinasyon. Si babae ay isang maingay at kikay, at si lalaki nama'y barumbado pero sweet din pala ang loko. Dagdagan mo pa ng anak nilang Denggeh ang pangalan, na 'di mo alam kung saang lupalop ang pinagmulan. Napakaganda kasing tingnan, para bang isang teleserye na dapat mong inaabangan. Mas okey pa nga kasi puro lang tawanan ang mararanasan.

Sana ay magtagal pa ang pamamalagi nila sa bahay ni kuya. Nang sa ganu'y may inaabangan pa akong nakakakiliting istorya. At sana'y hindi ito gaya ng isang pelikula - na isang palabas lang pala at puro kaplastikan lang ang dala. Nawa'y totoo nga ang kanilang nararamdaman at nang sa bandang huli'y sila ang magkakatuluyan.

•ŠLŸ•


Thursday, December 10

Simbang Gabi


Tuwing naririnig ko ang salitang "Pasko", nasasagi agad sa isip ko ang salitang bakasyon. Hindi na mahalaga sa akin kung may matatanggap ba akong regalo, o kung meron kaming maihahanda kapag sasapit ang araw na ito. Mas importante sa akin na makapag-bakasyon, 'yun bang wala kang ina-alalang trabaho bagkos puro na lang kasiyahan ang inaatupag mo. Syempre di naman lahat puro kabulastugan lang gagawin mo, andyan din yung panata mo taon-taon na kukumpletuhin ang simbang gabi!


Sa tanda kong ito, mabibilang lang sa aking mga daliri ang pagiging perfect attendance pagsapit ng simbang-gabi (baka nga 'di pa umabot sa limang beses). Kung basehan pa ito ng marka sa eskwelahan, siguradong lagpak ang aabutin ko. Napakadaling isipin pero talagang napakahirap gawin. Habang patanda ka ng patanda, mas lalo kong napapansin na kayhirap nang tuparin. Ewan ko ba, 'di ko maipaliwanag. Malamang kulang lang ako ng words of encouragement, at napapanahon na para palitan ang istilo kong bulok.

Alam kong masama ang may pinupuna kapag nasa loob ng simbahan, pero 'di ko maiwasan na mapalingon sa paligid paminsan-minsan. Instinct ko na 'yan kaya huwag mo ng pagdiskitahan! Andyan 'yung eksenang napapatulog si ale habang nagmimisa, na sa unang tingin akala mo'y taimtim na nagdarasal kasi may pikit to the max pang nalalaman. 'Di rin mawawala sa eksena ang mga magsing-irog na wala ng ginawa kundi ang magharutan, kulang na lang gawing parke ang lugar ng simbahan. Sige na nga, guilty na kung guilty! At least aminado akong mali ako, kaya slight lang pagkakasala ko… Peace Bro!


Aktib si ermat kapag simbang-gabi, tipong nasasaniban ng mga sari-saring superheroes. Kasi kailangan niya sa puntong ito ang mga matitinding superpowers para gisingin ang isang super villain at ang super-lasing na tulad ko. Opo, kadalasan ako'y lasing pagsapit ng disyembre. Para sa akin hindi bakasyon ang tawag kapag walang inuman. Mawala na ang regalo't mga paputok, basta ba may nakareserbang serbesa! Dahilan ko ma'y baluktot, hayaang kayo na lang ang mamaluktot! J

Pero sa estado ng buhay ko ngayon dito sa disyerto, malamang ito ang mga bagay na hindi ko muna maisasakatuparan. Madalas mang nauuna ang puro kasiyahan, ngunit hindi naisasan-tabi ang laging turo ni ermat sa totoong kabuluhan ng kapaskuhan. Ito ay ang diwa ng pagmamahalan, pagbibigayan at ang kapanganakan ng ating Poong Maykapal. Maligayang pasko kabayan!

•ŠLŸ•

Sunday, November 29

Birthmark sa Wetpu!



Malas! Ito ang karaniwang maririnig mo kapag hindi nakuha ng isang tao ang gusto niya o may nangyari sa kanyang hindi maganda. Yung tipong, nagmamadali ka papuntang trabaho kasi late na at bigla na lang na-flat ang gulong ng sinasakyan mong jeep. Pagkatapos sabay tingin sa mga katabi at iisipin kung sino ba sa kanila ang may balat sa puwet?

Tumpak! Balat sa puwet! Ano bang nagagawa nito at siya ang laging pinagbubuntungan ng sisi kapag may nangyayaring 'di kanais-nais? At bakit balat ang hinahanap at hindi taghiyawat, kulugo, pigsa o peklat? At sa dinami-dami ng parte ng ating katawan, bakit sa puwet pa? Ewan! Sumasakit ulo ko, sino ba kasi nagpauso ng pamahiing ito?

Ano ba talagang meron sa birthmark? Ito ba'y nakakagawa ng ispesyal na enerhiya para mapalitan ang kaswertehan ng kamalasan? Hay, nakakaawang balat, walang kamuwang-muwang na siya ang pinagdidiskitahan pag may nangyaring nakakagulantang. Kung pagninilayan ng mabuti mas dapat pagtuunan ng pansin natin ang ating mga sarili. Sapagkat tayo ang gumagawa at nagdedesisyon sa bawat araw nating ina-aksyon.. Hind ba't mas nakakagaan sa kalooban at kay sarap tanggapin na may araw talagang hindi para sa atin? Kung anuman ang maging kahihinatnan, tayo ang may sala at hindi ang kaawa-awang balat ni Juan na nasa puwetan.

Thursday, November 19

Classwork

Naumpisahan na rin lang ang kwentuhang buhay hiskul, siguro'y mas mainam kung isagad na natin ng todo. Mas marami kasi akong natatandaan sa hiskul kung ito'y ihahambing sa panahon ng elementarya at kolehiyo. Ang dahilan? Dito kasi yung panahon na kung saan tayo ay nag-i-eksperimento sa ating mga sarili. Tipong parang basang sisiw na kakapisa palang at di alam kung ano ang gagawin. Kung saan pupunta ang isa, susunod din ang iba. Kumbaga, may identity crisis…

Simpleng eskwelahan lang ang aking pinapasukan. Simple pero may ipinagmamayabang (..ito ba ang naging dahilan kaya ako ngayo'y mukhang mayabang?). Simpleng matatawag dahil ito'y pampublikong paaralan. At may ipinagmamayabang sa kadahilanang mga mag-aaral dito'y limitado lamang. Opo, alam ko 'yang nasa kukute nyo, ba't ako napabilang dito - kaya sasagutin ko ito. Saang lugar ng 'Pinas ka ba makakakita na ang isa sa mga batayan para makapasok ay ang paglilinis sa bakuran ng eskwelahan? Malamang napansin ng mga guro na hindi sapat ang puro katalinuhan lang, at kailangang mabahiran din ng kasipagan. Dito ako sinuwerte, kaya ako nakapasa at nakapasok, sinipagan ko ng sinipagan, nilinis ang pwedeng linisan!


" For 1-1 (ibig sabihin 1st year – section 1), both sides of the road from gymnasium up to the post office. Including the pathways and the hedges." Hindi ito ang bagong panata tuwing sinakulo. At lalong-lalo nang hindi ito dasal ng isang albularyo. Ito ang laging binabanggit ni G. Manmano tuwing sasapit ang araw ng classwork. Kapag may paparating na isang importanteng opisyal, classwork! Kapag bisita'y taga ibang eskwelahan, classwork! Kapag may dadalaw na mga pulitiko, classwork! Buwan-buwan na lang may classwork!

Dito nag-umpisa ang phobia ko sa mga pulitiko (politicophobia). Takot at nginig ang nararamdaman ko. Natatakot na kung ilang dipa na naman ang lilinisin ko at nanginginig kung kakayanin ko ba ito. Biglang napasok ang "Game KNB?" musical scoring, at sabay banggit ni Edu, "DAMO, Game ka na ba?". Kung bakit naman kasi ipinagpapaalam pa kung may bisitang paparating, at hindi na lang nila gawing surprise visit nang sa ganun ay ligtas kami sa classwork? Pero okey na rin dahil dito unang gumana ang utak ko. Dahil hanggang ngayo'y malaking palaisipan pa rin sa akin kung bakit naimbento pa ang mga damo! At kasalukuyang naghahanap ng dahilan kung bakit kahit saan-saan lang sumusulpot ang mga ito! 'Langyang mga damo kayo!

Saturday, November 14

K37… eto kami (Part 2)


Karamihan ay alam na kung papano nabuo ang grupong ito. Sa mga taong hindi pa may takdang-aralin kayo, kalikutin at hanapin ang lumang post ko [Kingdom 37 (Part 1)], nang sa ganu'y magkaintindihan tayo.

Sadya kong ipapakilala sa inyo, ang mga taong naging parte at naging inspirasyon at karamay ko sa buhay. 'Langya! Mukhang namamaalam na ah, end of the world na nga ba? K37'ers in any order 'to, naaayon sa taong kung saan ako madaling nakakapagsulat. Maswerte ka kapag lagi kitang nakakasama, at lalong gagandahan ko pa kung sa tuwing inuman at kainan ikaw ang laging taya.. Mahaba-haba ito, mukhang aabutin hanggang Part 40 kaya uumipisahan ko na.

Johnver. Tipong the boy-next-door type, ito ang taong masasabi kong inborn ang pagka-pulitiko, malimit nagiging referee pag may nanggugulo. Siya ang klase ng taong madaling hagilapin, punta ka lang ng sabungan at sa inuman. Kahinaan? Meron sympre, babaeng kanyang kinahuhumalingan. Mr. Torpedo (pinasosyal na torpe) ang tawag namin minsan.

Ruby Ferda. Babaeng Ferdinand kaya siya Ferda. Mama at Lola ng buong barkada. Kim Basinger nung panahon ng kanyang kaseksihan. Ito ang Cory Aquino ng hiskul, makamasa. Isa na siyang doctor at mahilig sa bata. Sa sobrang subsob ng pagiging Pedia, corrupting minor na 'ata. Peace Mama Rubs!

Lee Archibald. 'Di ko rin alam kung bakit nauna si Archie sa listahan. Dapat ko bang ituloy? Or i-delete ko na lang? Madalas ito ang kakulitan ko nung hiskul. Palibhasa, elementary palang kaklase ko na ito. Orator sa grupo, matipuno at magandang lalaki (huh… dumudugo ang daliri ko, ayaw pumayag ng laptop ko). Laking utang mo sa akin, labag sa kalooban itong sinusulat ko.

Jean. Ito ang tunay na idolo ng bayan, ex-member ng grupong 'D BEES ('Tsaka na ang full details ng grupong ito). Si Jean ang namumukod-tanging kilala ko na 'di nangongopya during exams. Itutok mo man sa mukha nya ang test papers…peksman! O baka wala lang siyang bilib sa sagot ko? O palihim na sinasagot din ito pag nalingap ako sa ibang katabi ko? Biro lang.

Denise Ayn. Ang babaeng kinahuhumalingan at dahilan ng kahinaan ng isang tao dyan. Tunog malaswa na ba? Pasensya Dr. Ayn. Hanga ako sa katalinuhan nito, iyun ang 'di nasalo ng ermat ko. Kung bakit naman kasi mas naunang pinasabog ang kalokohan kesa katalinuhan. Nung umuulan ng katalinuhan, punung-puno na ang utak ko ng kalokohan. Maling-mali ang strategy mo mahal kong Nanay!

Marianne. Pharmacist sa aming grupo, nauutangan pag ika'y nangangailangan. Istriktong titser, binagsak pati ang pamangkin ko!

Armando II. Dating junior ngayo'y "the second" na. Matinee Idol na kanyang kapanahunan, at Baseball Star noong kanyang kabataan.

Johanna. Artist ng kingdom, isa sa mga organizers pag may party o reunion. Mahinhin tinggan, pero swabe manuntok! I'm sure kayang-kaya talunin si Cotto ng Puerto Rico.

Dexter. Crush ng Bayan! Ewan at anong meron siya na wala kami (ooppss.. halatang bitter?). Basketball Star sa grupo, kala ko nga makikita ko itong naglalaro sa coliseum o astrodome. Magaling din kumanta, talagang unfair ang buhay minsan ano? Halos nasa kanila na ang lahat! ('Di nga ako bitter sabi eh!).

Emelyn at Mary Grace. Ang TWIN Towers ng buong klase, parehong birthday at parehong matatangkad. Ang isa'y chemist at ang isa ay Doktor. Nasaan na nga pala yung hugis kabaong na pencil case Dr. Grace? Si Archie ang promotor n'yan, mabaling lang ang atensyon ni Grace sa iba, 100% sure may krus na sa pencil case at iniiyakan naming dalawa.

Helen. Ang aming muse, sa treseng lalaki ng kingdom – 97% na-link sa kanya o crush siya. Ang aming tagapagtanggol, kaya ang lakas ng ego kong magyabang. Lapit na nga pala ang 30th Birthday mo, ang usapan ay usapan, "Can you hear the music Alex?". Nakatunganga lang si Aga Muhlach.

Pamela. Siya si Miss Sodium (Na+), short cut ng salitang "Nahiya Ako". Madalas kasing ngkaka-bloopers ang barkada kong ito. At siya ang babaeng literal ang liit ng daliring hinliliit. Madalas siya ang aking English critic, tulad na lang ng pagturo ng tamang pagbigkas ng salitang "stomatitis"!

Rebecca Ruth. kung may tall, dark and handsome na tinatawag sa lalaki, siya ang girl version nito. Sports-minded sa barkada. Ayos na ayos kung maglaro ng volleyball, di ko nga natatapatan ang spike nito o baka dinadahilan lang ang pagiging lampa ko?

Ashna. Kilala siya sa pangalang Ms. Luminous. Mahilig kasi sa mga shocking colors, buti na lang at di ako nasa-shock attact pag tinatabihan ko siya. Advantage pagkasama, kitang-kita na parang early warning device sa gabi.

Geraldine. Ang Penshoppe Girl ng K37, kadalasan kasi ay ito ang suot nyang mga damit. Oo, sa panahon namin nagsimula ang kasikatan ng Penshoppe. "Express Yourself" pa nga ang slogan nila noon. At isa ako sa mga taong nakikiuso ng kanilang pabiling bimpo sa pagpapa-ikot gamit ang daliri. Si Geraldine rin ang may alagang aso na nagngangalang Pipoy, 'wag ka, may kumpletong pangalan si Pipoy – limot ko lang sa sobrang haba.

Romel. Nag-iisang anak at tahimik sa klase. Minsa'y naging amplifier sa katabing kaklase. Pano kasi sa tuwing tinatawag ng guro ang pangalan ng katabi, malimit itong wala o 'di kaya'y sarili lang ang nakakarinig ng boses nya.

Angie Joyce. Siya ang Ms. Spaghetti ng kingdom. Sa kanya kinopya ang kantang "Spaghetti Song" ni Lito Camo na isinabuhay ng SexBomb Girls, hehehe. Seryosong usapan, talagang masarap ang lutong spaghetti ni Angie. Marahil siya'y gumigiling ng pataas at pababa habang hinahalukay ang sauce na lulutuin. Iba ang sauce ng spag ni angie, talagang red na red. 'Di tulad sa isa ko pang barkada na kulay dilaw ang sauce. Siguro palabok dapat 'yun nagkamali lang ng bili, imbes pansit, pasta ang nabili. Ang masaklap, kailangang ubusin, ayokong makaranas na matutukan ng baril (As-Salamu Alaykum, Hamsa!).

Roselle, Eleonor, Lizette, Coleen at Mary Razel. Sila ang mga tanyag na miyembro ng grupong 'D BEES. Sa tingin ko sa kanila binase ang show ni Cesar Montano na 'D Singing Bee! Sila ang groupies na nagkukumpol sa tabi, kung saan ang isa, andun ang lahat. "For the group that sticks together, looks like a bubble gum forever". 'Wag ng magre-act, pauso ito!

Aris. Ang mala-pastor sa aming silid-aralan. Ito ang taong seryoso sa pag-aaral, 'yung tipong may patutunguhan sa buhay. Miss ko na ang gawa nilang sago't gulaman. Iyon kasi ang lagi naming pinapahanda sa tuwing kami'y dadalaw.

Florante at Ophelia. Bagong loveteam? Panlaban sa tambalang Kimerald? Dyan kayo mali, sila ang aming aso't pusa. Naghaharutan hanggang sa humantong sa eksenang suntukan at sakitan.

Alexander, Janis, Irene Faye at Phalasig. Sila ang mga "Housing Boys and Girls" . Sikat ang subdivision na ito sa aming eskwelahan, kadalasan ang nakatira'y may sinasabi sa buhay. Kung sila ang Forbes Park, ang amin nama'y Tondo! Ganun kalaki ang agwat, promise.. Dito sa lugar na ito una akong namulat sa bisyo. Hoy! Alak at sigarilyo lang ang alam kung bisyo. Final answer! Sure na! Game na!

Tristan at Cherry Joy. Ang magpinsang-buo na parehong doctor. Ang una ay beterinaryo at nasa human med naman ang pangalawa.

Amos Gene. Ang Mad Scientist sa eskwelahan, kahit ano na lang kasi ang naiisip at naiimbento.

James. Ang Mighty Destroyer ng paaralan. 'Wag akong hanapan ng dahilan, 'di ko alam ang maaaring sagot dyan.

Cristilita Paz at Wilma. San na nga ba kayo? Paramdam naman kahit utot man lang.

Sylvester. Ako, ang pang-tatlumpo't pito at ang may pakana ng blog na ito.. Baw!

***Ang artikulong 'to ay ibinabahagi ko rin sa taong aming naging inspirasyon, nagsilbing gabay at tumayong aming mga magulang noong kami'y mga musmos pa lamang sa minamahal naming eskwelahan (ULS-USM).  Para sa inyo po ito Tatay James Gregoty Salem at Ma'am May Eva Garcia!

Thursday, November 12

Kingdom 37 (Part 1)

Nobyembre taong 1994 ang petsa na kung saan nabuo ang pangalang ito. Ikalawang taon sa high school, 'di ko lubos maisip na labin-limang taon na ang nagdaan. Mahigit 180 buwan o katumbas ng 5,475 araw na rin pala ang nakalipas. Whew, 'Antatanda nyo na pala! J

Tatlumpo't pitong paslit ang nagsama-sama sa iisang biology class field trip. Dalawang jeep ang inarkilahan at pilit kaming ipinagsiksikan (buti na lang at payat pa ako noon). Tanda ko pa Paradise Beach Resort sa Samal Island, Davao kami namahinga. Puno ng kasiyahan ang bumabalot sa mga oras na iyon... Kantahan, kwentuhan, kulitan at kainan ang nagaganap. Naghahari ang katagang "camaraderie". Biglang isip at sabay tanong sa sarili.. nakakain ba ang "camaraderie"? Tunog kare-kare kasi. Hayaan nyo na, ganito lang ako bumanat ng joke. Kung bakit naman kasi di ako pinagpalang magkaroon ng sense of humor.

Halos ang hirap ng alalahanin kung ano nga bang pagbabago meron ang bawat isa sa amin ngayon. Madalang na kasing nagkikita-kita, at kalimita'y pamilyado na. Hindi mo sila masisisi, tumatanda na tayo at kailangan na nang may makasama (Lagot! Sabay lunok..).

Isa ako sa mga taong always present pag-reunion. Umuuwi ako pagpanahon ng pasko, malamang ngayon lang mapupurnada ang bakasyon ko. Maswerte na paglampas isang dosena ang nagpapakita. Habang tumatagal, lalong lumiliit ang bilang ng dumadalo. Syempre 'di alintana ang bilang, ang mahalaga'y nagkakasalu-salo sa handaan.

Alam kong pansin nyo rin na paulit-ulit nating kinukwento ang mga karanasang nakatatak na sa ating isipan, mga kalokohan at ating mga kapalpakan. Kasabay nito ay ang papapatugtog ng nakalakhang "Minsan" ng bandang Eraserheads. Tila ito'y isa ng panata na maihahambing sa tuwing sasapit ang mahal na araw. Paulit-ulit ngunit hindi ka magsasawang muli itong pakikinggan, talagang matatawag na musika na kay sarap balik-balikan. 

Ilang araw na lang, magpapasko na.. Miss ko na ang buong barkada. Sa mga kaibigan kong nakabasa nito, Maligayang Anibersaryo ang bati ko para sa'yo!




Monday, November 9

…miss na kita

Mahigit dalawang buwan din nang tayo'y huling nagkita at nagkasama. Dalawang buwan na walang imikan at kibuan. Dalawang buwang tinitiis ang pagkawalay sa isa't-isa. Pilit kinakalimutan ang bawat araw na wala ka sa piling ko at sa bawat gabing wala ka sa tabi ko. Lagi kang laman ng isip ko, lalung-lalo na sa tuwing ako'y nalulungkot, walang makasama at nababagot sa buhay-OFW.

Ilang beses na kitang sinubukang palitan, nagbabakasakaling maibsan man lang itong aking nararamdaman. Subalit iba pa rin ang pakiramdam na dulot kung ikaw ang aking katuwang. Abot langit ang hatid, at walang katumbas na saya ang iyong naipapadama.


Minsan sa ating buhay, darating ang panahon na kailangan nating magsakripisyo't magtiis. At mag-isip kung karapat-dapat ka nga ba sa piling ko habambuhay o kailangan ko ring maghanap-buhay. Ewan at anong gayuma ang ginamit mo at baliw na baliw ako sa'yo. Laging hanap ang swabeng sipa na dulot mo. Miss na kita, O RED HORSE ko!


Tuesday, November 3

Kagila-gilalas na kwintas

Anong gagawin mo kapag ikaw ay may tumataginting na 100K Saudi Riyals? Ang halaga nito'y mahigit 1.2M pesos sa atin. Saan galing ang perang binabanggit ko? Hindi ito premyo ng isang lottery draw at lalong hindi ito galing sa pork barrel ng mga pulitiko. Ito ay ang halaga ng isang "dog collar" lang naman. Opo, tama ang pagkakabasa nyo, isang kwintas ng asong 'di alam anong gagawin sa kanyang limpak-limpak na kayamanan.


'Langyang buhay talaga, halos mabitawan ko ang alaga n'ya at ako'y napatunganga nung sinabi niya sa akin kung magkano ang halaga. Isang napakaswerteng Chihuahua ang kasalukuyang ngsusuot ng "dog collar" na 'yan. Alam kaya nya na ang kwintas nyang dinadala ay milyon ang halaga? At kinaiinggitan din ba siya ng mga kapwa asong mumurahing "dog collar" lang ang kaya? Ngayon napatunayan ko na ayos din pala maging aso. Pero 'di ko pa rin ipagpapalit ang pagiging tao para lamang masabing isa na akong milyonaryo.



Paano nga ba mangilatis ng tunay na bato at baka ang sinasabing alahas ay nagmula lang sa puwet ng baso? O 'di kaya'y likas na palabiro at ginu-good time lang ako ng taong ito. Kung sa itsura babasehan mukha namang desente ang pinagmulan. Rolex ang relo at may salaming D&G na nakasabit sa ulo, o uso rin ang mga imitations dito?


Isang daan na diamanteng bato, sa leeg ni Don Kabel nakapulupot ito! Kukunan ko sana ng litrato, kaso napadalawang-isip baka pagagalitan ako. Nilasap ko na lang ang pagkakahawak dito at baka ang swerte malipat sa aking mga kamao. 'Di ko lubos maisip kung bakit may mga taong ganito, marahil napanood lang nila ang "Beverly Hills Chihuahua", ang palihim na sagot ko sa sarili.

Monday, November 2

Mr. Mananabas

Undas na, napapanahong muli ang mga katatakutan at kababalaghang mga nilalang. Andyan ang multo, manananggal, tiyanak, white lady, kapre.. atbp. Mukha lang akong multo at puno ng kababalaghan ang pagkatao ngunit 'di ako tulad nila gaya ng nasa isip mo.

Ako'y napabuntong-hininga at napatingin sa kisameng lamig ng hangin ang sinisinga. Bigla kasing may sumulpot na ibong Java (Finch) nakawala sa kanyang magarbong longga. Sure na sure ako na tamang breed ang nasabi ko, 'di tulad sa mga nauna kong blog na puro hula ang sagot ko. Feeling ko nga na-possessed akong bigla ni Archie. Hindi mo ba kilala si Archie Mendoza? 'Yung sikat na sikat dati sa telebisyon, siya ang ex-BF at palagay ko'y ang ama ng pinagbubuntis dati ni Madame Auring. Kitam! Nakakapangilabot isipin 'di ba? Hardcore!

Bigla ko tuloy naalala ang isa sa mga nakakatuwang libro na aking nabasa. Si Jessica Zafra ang may-akda, at ang pamagat ay "Manananggal Terrorizes Manila". Nakaka-aliw itong basahin, dahil habang binabasa ko ang libro, katabi ko nama'y isang diksyonaryo. Ingles kasi ang pagkakagawa, kaya isinalin ko muna sa sarili nating wika.


Bisaya ang salitang Mananabas (malamang ganun din kung isalin sa ating wikang tagalog, halo-halo na kasi ang nakalakhan kong mga salita kaya pati ako'y 'di alam kung alin nga ba ang alin, gets?), sa mga walang ideya bibigyan ko kayo ng isang halimbawa. Pwede siyang maihahambing kay Chop-chop King, na asawa ni Aling Luningning, at may anak na pinaglihi sa isang kuting (mas lumabo pa ata!). Siya si Mr. Mananabas, kakabahan ka tuwing sasapit ang araw ng sahoran! 'Yan ang tawag namin sa isang taong "tumulong" sa amin. Pinauso ng kasamahan kong beterinaryo rin, nabuo ito ng dahil sa masaklap naming karanasan sa isang kapwa pinoy pa man din. Milyonaryo na ata ang gonggong na Mr. Mananabas. Wala na akong balita sa kanya, at wala akong balak na siya'y makita pa. Delikado baka may utang pa ako sa kanya, tiyak ubos ang kakarampot na ipon kong pera. Kaya malaking GOOD LUCK ang ibibigay ko sa mga taong makakasalamuha niya.

Clue? Isa siyang kapreng nagbabalat-kayong tao. Masahol pa nga ata sa kapre ang pagkatao nito. Pero laking pasasalamat pa rin ang alay ko sa'yo. Nang dahil sa "tulong" mo'y, malamang nasa Pilipinas pa rin ako.

Saturday, October 31

L.Q. ni KAT

Bandang alas siete ng gabi nang ako'y nakatanggap ng pasyenteng pusa. American Shorthair ang breed, 'yun ang pagkakaalam ko. Di kasi kami magkaintindihan ni arabo kaya hinulaan ko na lang, base sa kakarampot kong natutunan (Oo di ako matalino, mataLINAW lang! Meaning, mahilig mangopya sa katabi during mid-term and final exams..) Mabalik na tayo sa pusa at baka buhay ko pa ma-ikwento ko at tuluyan kayong 'di makuntento.

Pagkakaintindi ko sa mga galaw ng kamay nya habang nagsasalita, for breeding yung alaga nya. Hinanapan at pinapili ko siya ng ka-partner ayun sa gusto niyang maging lahi sa hinaharap. May lahing British Longhair yung napili nya (Tama ka.. Base uli sa IQ ko!). Ayun at nasa motel na sila, este "mating cage" pala ang tawag namin dito. Pasensya at puro berde nasa utak ko, pigain mo man ng todo, green at green ang lalabas na katas, wala ng pagbabago. Ma pag-asa bang ma-develop into mature working brain? Napakalaking EWAN ang sagot ko 'dyan. Hanggang BRAINlet na lang yan! Minute brain! Respeto naman dyan, konting ngisi sa joke ko. Masaya na ako sa kahit ngiti, basta 'wag lang pilit na nagmumukha kang aso. Sawa na ako sa aso, araw-araw sila ang kaharap ko.

After a while (Naks, mukhang seryoso ang intro..), dun nagkaproblema. Ang dapat sanang matamis na honeymoon – nauwi sa mapait na rambolang orasyon. Ayaw ni Ms. American Shorthair si Mr. British Longhair! Marahil ayaw ni babae ang English-accent ni lalaki. O pansin nya'ng mas mukha pang babae itong si lalaki, o baka naman ipinanganak na pihikan lang itong si American Shorthair. Napakalaking gulo! kamot sa ulo at kunot sa noo ang reply ko sa may-ari at sabay sabing.. "Let's give them time and privacy to mingle with each other." Haayyy, buti at naniwala rin ang Arabo. Nakatipid ako sa laway, at 'di na umabot sa hukuman ang aking pangangatwiran. Malamang kung nagkataon, imposible na akong makapag-participate sa kantang "I Have 2 Hands", ibang lyrics na yung kanta ko, singular at hindi na plural ang salitang "hands". Bandang huli, laking pasalamat at naging OK din ang magsing-irog. Hiling ko lang na sana ay tuluyang malahian ng Longhait itong si Shorthair.

Friday, October 30

Init sa Middle East…

Pangalawang labas ko ng 'Pinas at una kong byahe sa gitnang silangan, kaya maraming sumasagi sa isip ko kung anong klase buhay meron sa disyerto. Kung ito'y naging tubig pa, dahan-dahan akong nilulubog sa sobrang lalim nito. 'Di ko lubos maisip kung gaano kainit ang sinasabi nilang init sa Kaharian ng Saudi Arabia. At totoo bang hirap sa tubig ang bansa? Kaya ganun na lang ang haka-hakang iba ang amoy kung ito'y ikukumpara sa tulad kong pinoy?

Connecting flight ang byahe ng Cathay Pacific patungong Saudi. Una kung lapag ay Hong kong, sumunod sa Bahrain at sa wakas Saudi na! Kung susumahin lahat, halos buong araw akong naglakbay. Buti na lang at pinoy ang katabi ko sa upuan at natipid ang katago-tago kong baon sa Inglesan. Palibhasa, isang balde lang ang dala kong bokabularyo kung nagkataon di ko alam kung san ako kukuha para punan ito. Ewan, at bakit pilipit ang dila ko sa salitang banyaga. Minsan tuloy naisip kung dapat bang ibuntong ang sisi sa mga magulang sa 'di pagsanay sa kanilang anak na maging tunog banyaga? Subalit nangingibabaw pa rin ang aking pagka-Rizal, ayaw kong maging mabantot tulad ng isda – kaya mahalin ang sariling wika. Lusot!

Unang hakbang palang sa paliparan ng KSA, 'dami ng napapansin. Pinanganak lang ba talaga akong mausisa, o pinaganda ko lang ang mga salita sa taong mahilig mamuna? Pero todo iwas ako sa pagpuna, kung meron man sinasarili ko na lang ito at baka pag-uwi ko kalahati na lang ako. Payag ako basta ba pahaba ang hati, at least makikilala pa rin ako.. Yun nga lang side view ang angle for identification. Kaya sa future pictures ko, asahan nyong puro side view na ang mga kuha ko. Naku, change topic tayo, ayoko ng paksang ganito :-X

Paglabas ko ng paliparan dito ko napatunayang walang kasing init ang mararamdaman mo rito, tagos hanggang boto ang sasalubong sa'yo. Dito ko naranasang kahit madaling-araw ay parang tanghali sa atin. Sumagi tuloy sa isip ko na sinasanay ko lang ba ang magiging buhay ko sa piling ni Ginoong Bwahaha? Puna ko lang, bakit nga ba pag mala-demonyo o villain ang papel na ginagampanan ng isang aktor sa isang pelikula'y "BWAHAHA" ang dapat na halakhak nito? Pati sa komiks ay ganun din. 'Di ba pwedeng "HARHARHAR" na lang? O ibang tawa naman for a change? Matanong nga kina Bb. Joyce Bernal, Direk Wenn Deramas at Bobot Mortiz.

Pero ubod ako ng saya at 'di totong taghirap ng tubig dito, sa katunayan tatlong beses sa isang araw pa rin ako nakakaligo. 'Yun nga lang, isalin mo na sa malaking batya para ito'y lumamig sa susunod na ligo. At kung likas na tamad ka gaya ko, at may galis sa balat (na tulad n'yo, lambing lang!) pwedeng diretso shower na at nang malagas pati balat mo. Kaya mali ang haka-hakang iba ang amoy nila sa atin. Ibang lahi, maaari pa, pero pag-Arabo hindi naman.

Wednesday, October 28

Kalibugan ng Buwan

Ewan ko ba sa araw na ito at sa bawat oras na lang ay may napapansin akong kainitan at kapusukan. Bigla tuloy akong napa-isip kung guni-guni ko nga lang ba at puro kabastusan lang nasa utak ko? O bigla lang naging Pebrero ang gamit kong kalendaryo? O, di kaya'y sa kadahilanang init ng panahon na dulot dito sa bansang puro disyerto? O dapat kong ibuntong ang sisi sa mga alaga kong "tortoise" na kanina pa naghaharutan.
Oo, 'yung nakikita nyong naglalakihang pagong sa Zoo. Malaking debate ito kung ang turtle, tortoise at terrapin ay iisa. Sa bansang maka-OBAMA kasi, tortoise or land turtle ang tawag sa mababagal kumilos. Sa bansang dugong bughaw o UK (kung san naggaling ang aming lahi, toink!), tortoise ang tawag sa lahat ng pagong maliban na lang sa mga nakatira sa dagat.

Bakit pa kasi napunta tayo sa paksang kabastusan, hindi ko tuloy mapigilang mag-isip ng puro katarantaduhan. Dito ako magaling, dito nabubuhay ang dugo ko't kaluluwa at dito gumagana ang utak ko. Sa madaling salita, ito ang puso ko. Kung ang kahinaan ni superman ay ang batong "green", ako ito ang power ko, hindi nga lang bato at least "green" pa rin. Kung wala ito, matagal nyo na akong dinadalaw sa sementeryo. Siguro nung pinasabog ng Diyos ang kalokohan, gumamit ang nanay ko ng net para masalo nya lahat at nang maibigay sa akin ng walang labis at walang kulang. Ngayon ko napagtanto na may lahing pagkaswapang ang ermat ko (I LOVE YOU Ma! Libre kita sa pampa-beauty mo. Hehe).
Dapat kasi naisip ng mga professors noon na kailangan din ng subject na tulad nito (DepEd, Gising! Peace..). Dahil kung nagkataon, isa ako sa mga estudyanteng nasa listahan ng mga topnochers. Sigurado akong pila-pila ang linya ng magpapa-enrol, daig pa ang Pinoy Big Brother audition. Kukulangin ang silid-aralan at magde-declare ng emergency crisis ang eskwelahan. Walang sawa akong pabalik-balik sa lectures at laging inspired pagdating sa klase. Dito ko maa-apply ang katagang, "..isa-puso't diwa ang leksyon". Hmmmm sino kaya mga kaklase ko at katabi sa upuan? Si J. Rizal? O si Kgg. Jalosjos kaya? Di bale na nga at baka masensor 'tong blog ko.
Sa mga taong di po ako kilala at aksidenteng napasilip sa blog na ito, wag kayong mag-alala – harmless ang pagkabastos ko. Wika nga sa kantang "Ang Tipo Kong Lalaki"… ako'y "maginoo pero medyo bastos".