Sunday, November 29

Birthmark sa Wetpu!



Malas! Ito ang karaniwang maririnig mo kapag hindi nakuha ng isang tao ang gusto niya o may nangyari sa kanyang hindi maganda. Yung tipong, nagmamadali ka papuntang trabaho kasi late na at bigla na lang na-flat ang gulong ng sinasakyan mong jeep. Pagkatapos sabay tingin sa mga katabi at iisipin kung sino ba sa kanila ang may balat sa puwet?

Tumpak! Balat sa puwet! Ano bang nagagawa nito at siya ang laging pinagbubuntungan ng sisi kapag may nangyayaring 'di kanais-nais? At bakit balat ang hinahanap at hindi taghiyawat, kulugo, pigsa o peklat? At sa dinami-dami ng parte ng ating katawan, bakit sa puwet pa? Ewan! Sumasakit ulo ko, sino ba kasi nagpauso ng pamahiing ito?

Ano ba talagang meron sa birthmark? Ito ba'y nakakagawa ng ispesyal na enerhiya para mapalitan ang kaswertehan ng kamalasan? Hay, nakakaawang balat, walang kamuwang-muwang na siya ang pinagdidiskitahan pag may nangyaring nakakagulantang. Kung pagninilayan ng mabuti mas dapat pagtuunan ng pansin natin ang ating mga sarili. Sapagkat tayo ang gumagawa at nagdedesisyon sa bawat araw nating ina-aksyon.. Hind ba't mas nakakagaan sa kalooban at kay sarap tanggapin na may araw talagang hindi para sa atin? Kung anuman ang maging kahihinatnan, tayo ang may sala at hindi ang kaawa-awang balat ni Juan na nasa puwetan.

Thursday, November 19

Classwork

Naumpisahan na rin lang ang kwentuhang buhay hiskul, siguro'y mas mainam kung isagad na natin ng todo. Mas marami kasi akong natatandaan sa hiskul kung ito'y ihahambing sa panahon ng elementarya at kolehiyo. Ang dahilan? Dito kasi yung panahon na kung saan tayo ay nag-i-eksperimento sa ating mga sarili. Tipong parang basang sisiw na kakapisa palang at di alam kung ano ang gagawin. Kung saan pupunta ang isa, susunod din ang iba. Kumbaga, may identity crisis…

Simpleng eskwelahan lang ang aking pinapasukan. Simple pero may ipinagmamayabang (..ito ba ang naging dahilan kaya ako ngayo'y mukhang mayabang?). Simpleng matatawag dahil ito'y pampublikong paaralan. At may ipinagmamayabang sa kadahilanang mga mag-aaral dito'y limitado lamang. Opo, alam ko 'yang nasa kukute nyo, ba't ako napabilang dito - kaya sasagutin ko ito. Saang lugar ng 'Pinas ka ba makakakita na ang isa sa mga batayan para makapasok ay ang paglilinis sa bakuran ng eskwelahan? Malamang napansin ng mga guro na hindi sapat ang puro katalinuhan lang, at kailangang mabahiran din ng kasipagan. Dito ako sinuwerte, kaya ako nakapasa at nakapasok, sinipagan ko ng sinipagan, nilinis ang pwedeng linisan!


" For 1-1 (ibig sabihin 1st year – section 1), both sides of the road from gymnasium up to the post office. Including the pathways and the hedges." Hindi ito ang bagong panata tuwing sinakulo. At lalong-lalo nang hindi ito dasal ng isang albularyo. Ito ang laging binabanggit ni G. Manmano tuwing sasapit ang araw ng classwork. Kapag may paparating na isang importanteng opisyal, classwork! Kapag bisita'y taga ibang eskwelahan, classwork! Kapag may dadalaw na mga pulitiko, classwork! Buwan-buwan na lang may classwork!

Dito nag-umpisa ang phobia ko sa mga pulitiko (politicophobia). Takot at nginig ang nararamdaman ko. Natatakot na kung ilang dipa na naman ang lilinisin ko at nanginginig kung kakayanin ko ba ito. Biglang napasok ang "Game KNB?" musical scoring, at sabay banggit ni Edu, "DAMO, Game ka na ba?". Kung bakit naman kasi ipinagpapaalam pa kung may bisitang paparating, at hindi na lang nila gawing surprise visit nang sa ganun ay ligtas kami sa classwork? Pero okey na rin dahil dito unang gumana ang utak ko. Dahil hanggang ngayo'y malaking palaisipan pa rin sa akin kung bakit naimbento pa ang mga damo! At kasalukuyang naghahanap ng dahilan kung bakit kahit saan-saan lang sumusulpot ang mga ito! 'Langyang mga damo kayo!

Saturday, November 14

K37… eto kami (Part 2)


Karamihan ay alam na kung papano nabuo ang grupong ito. Sa mga taong hindi pa may takdang-aralin kayo, kalikutin at hanapin ang lumang post ko [Kingdom 37 (Part 1)], nang sa ganu'y magkaintindihan tayo.

Sadya kong ipapakilala sa inyo, ang mga taong naging parte at naging inspirasyon at karamay ko sa buhay. 'Langya! Mukhang namamaalam na ah, end of the world na nga ba? K37'ers in any order 'to, naaayon sa taong kung saan ako madaling nakakapagsulat. Maswerte ka kapag lagi kitang nakakasama, at lalong gagandahan ko pa kung sa tuwing inuman at kainan ikaw ang laging taya.. Mahaba-haba ito, mukhang aabutin hanggang Part 40 kaya uumipisahan ko na.

Johnver. Tipong the boy-next-door type, ito ang taong masasabi kong inborn ang pagka-pulitiko, malimit nagiging referee pag may nanggugulo. Siya ang klase ng taong madaling hagilapin, punta ka lang ng sabungan at sa inuman. Kahinaan? Meron sympre, babaeng kanyang kinahuhumalingan. Mr. Torpedo (pinasosyal na torpe) ang tawag namin minsan.

Ruby Ferda. Babaeng Ferdinand kaya siya Ferda. Mama at Lola ng buong barkada. Kim Basinger nung panahon ng kanyang kaseksihan. Ito ang Cory Aquino ng hiskul, makamasa. Isa na siyang doctor at mahilig sa bata. Sa sobrang subsob ng pagiging Pedia, corrupting minor na 'ata. Peace Mama Rubs!

Lee Archibald. 'Di ko rin alam kung bakit nauna si Archie sa listahan. Dapat ko bang ituloy? Or i-delete ko na lang? Madalas ito ang kakulitan ko nung hiskul. Palibhasa, elementary palang kaklase ko na ito. Orator sa grupo, matipuno at magandang lalaki (huh… dumudugo ang daliri ko, ayaw pumayag ng laptop ko). Laking utang mo sa akin, labag sa kalooban itong sinusulat ko.

Jean. Ito ang tunay na idolo ng bayan, ex-member ng grupong 'D BEES ('Tsaka na ang full details ng grupong ito). Si Jean ang namumukod-tanging kilala ko na 'di nangongopya during exams. Itutok mo man sa mukha nya ang test papers…peksman! O baka wala lang siyang bilib sa sagot ko? O palihim na sinasagot din ito pag nalingap ako sa ibang katabi ko? Biro lang.

Denise Ayn. Ang babaeng kinahuhumalingan at dahilan ng kahinaan ng isang tao dyan. Tunog malaswa na ba? Pasensya Dr. Ayn. Hanga ako sa katalinuhan nito, iyun ang 'di nasalo ng ermat ko. Kung bakit naman kasi mas naunang pinasabog ang kalokohan kesa katalinuhan. Nung umuulan ng katalinuhan, punung-puno na ang utak ko ng kalokohan. Maling-mali ang strategy mo mahal kong Nanay!

Marianne. Pharmacist sa aming grupo, nauutangan pag ika'y nangangailangan. Istriktong titser, binagsak pati ang pamangkin ko!

Armando II. Dating junior ngayo'y "the second" na. Matinee Idol na kanyang kapanahunan, at Baseball Star noong kanyang kabataan.

Johanna. Artist ng kingdom, isa sa mga organizers pag may party o reunion. Mahinhin tinggan, pero swabe manuntok! I'm sure kayang-kaya talunin si Cotto ng Puerto Rico.

Dexter. Crush ng Bayan! Ewan at anong meron siya na wala kami (ooppss.. halatang bitter?). Basketball Star sa grupo, kala ko nga makikita ko itong naglalaro sa coliseum o astrodome. Magaling din kumanta, talagang unfair ang buhay minsan ano? Halos nasa kanila na ang lahat! ('Di nga ako bitter sabi eh!).

Emelyn at Mary Grace. Ang TWIN Towers ng buong klase, parehong birthday at parehong matatangkad. Ang isa'y chemist at ang isa ay Doktor. Nasaan na nga pala yung hugis kabaong na pencil case Dr. Grace? Si Archie ang promotor n'yan, mabaling lang ang atensyon ni Grace sa iba, 100% sure may krus na sa pencil case at iniiyakan naming dalawa.

Helen. Ang aming muse, sa treseng lalaki ng kingdom – 97% na-link sa kanya o crush siya. Ang aming tagapagtanggol, kaya ang lakas ng ego kong magyabang. Lapit na nga pala ang 30th Birthday mo, ang usapan ay usapan, "Can you hear the music Alex?". Nakatunganga lang si Aga Muhlach.

Pamela. Siya si Miss Sodium (Na+), short cut ng salitang "Nahiya Ako". Madalas kasing ngkaka-bloopers ang barkada kong ito. At siya ang babaeng literal ang liit ng daliring hinliliit. Madalas siya ang aking English critic, tulad na lang ng pagturo ng tamang pagbigkas ng salitang "stomatitis"!

Rebecca Ruth. kung may tall, dark and handsome na tinatawag sa lalaki, siya ang girl version nito. Sports-minded sa barkada. Ayos na ayos kung maglaro ng volleyball, di ko nga natatapatan ang spike nito o baka dinadahilan lang ang pagiging lampa ko?

Ashna. Kilala siya sa pangalang Ms. Luminous. Mahilig kasi sa mga shocking colors, buti na lang at di ako nasa-shock attact pag tinatabihan ko siya. Advantage pagkasama, kitang-kita na parang early warning device sa gabi.

Geraldine. Ang Penshoppe Girl ng K37, kadalasan kasi ay ito ang suot nyang mga damit. Oo, sa panahon namin nagsimula ang kasikatan ng Penshoppe. "Express Yourself" pa nga ang slogan nila noon. At isa ako sa mga taong nakikiuso ng kanilang pabiling bimpo sa pagpapa-ikot gamit ang daliri. Si Geraldine rin ang may alagang aso na nagngangalang Pipoy, 'wag ka, may kumpletong pangalan si Pipoy – limot ko lang sa sobrang haba.

Romel. Nag-iisang anak at tahimik sa klase. Minsa'y naging amplifier sa katabing kaklase. Pano kasi sa tuwing tinatawag ng guro ang pangalan ng katabi, malimit itong wala o 'di kaya'y sarili lang ang nakakarinig ng boses nya.

Angie Joyce. Siya ang Ms. Spaghetti ng kingdom. Sa kanya kinopya ang kantang "Spaghetti Song" ni Lito Camo na isinabuhay ng SexBomb Girls, hehehe. Seryosong usapan, talagang masarap ang lutong spaghetti ni Angie. Marahil siya'y gumigiling ng pataas at pababa habang hinahalukay ang sauce na lulutuin. Iba ang sauce ng spag ni angie, talagang red na red. 'Di tulad sa isa ko pang barkada na kulay dilaw ang sauce. Siguro palabok dapat 'yun nagkamali lang ng bili, imbes pansit, pasta ang nabili. Ang masaklap, kailangang ubusin, ayokong makaranas na matutukan ng baril (As-Salamu Alaykum, Hamsa!).

Roselle, Eleonor, Lizette, Coleen at Mary Razel. Sila ang mga tanyag na miyembro ng grupong 'D BEES. Sa tingin ko sa kanila binase ang show ni Cesar Montano na 'D Singing Bee! Sila ang groupies na nagkukumpol sa tabi, kung saan ang isa, andun ang lahat. "For the group that sticks together, looks like a bubble gum forever". 'Wag ng magre-act, pauso ito!

Aris. Ang mala-pastor sa aming silid-aralan. Ito ang taong seryoso sa pag-aaral, 'yung tipong may patutunguhan sa buhay. Miss ko na ang gawa nilang sago't gulaman. Iyon kasi ang lagi naming pinapahanda sa tuwing kami'y dadalaw.

Florante at Ophelia. Bagong loveteam? Panlaban sa tambalang Kimerald? Dyan kayo mali, sila ang aming aso't pusa. Naghaharutan hanggang sa humantong sa eksenang suntukan at sakitan.

Alexander, Janis, Irene Faye at Phalasig. Sila ang mga "Housing Boys and Girls" . Sikat ang subdivision na ito sa aming eskwelahan, kadalasan ang nakatira'y may sinasabi sa buhay. Kung sila ang Forbes Park, ang amin nama'y Tondo! Ganun kalaki ang agwat, promise.. Dito sa lugar na ito una akong namulat sa bisyo. Hoy! Alak at sigarilyo lang ang alam kung bisyo. Final answer! Sure na! Game na!

Tristan at Cherry Joy. Ang magpinsang-buo na parehong doctor. Ang una ay beterinaryo at nasa human med naman ang pangalawa.

Amos Gene. Ang Mad Scientist sa eskwelahan, kahit ano na lang kasi ang naiisip at naiimbento.

James. Ang Mighty Destroyer ng paaralan. 'Wag akong hanapan ng dahilan, 'di ko alam ang maaaring sagot dyan.

Cristilita Paz at Wilma. San na nga ba kayo? Paramdam naman kahit utot man lang.

Sylvester. Ako, ang pang-tatlumpo't pito at ang may pakana ng blog na ito.. Baw!

***Ang artikulong 'to ay ibinabahagi ko rin sa taong aming naging inspirasyon, nagsilbing gabay at tumayong aming mga magulang noong kami'y mga musmos pa lamang sa minamahal naming eskwelahan (ULS-USM).  Para sa inyo po ito Tatay James Gregoty Salem at Ma'am May Eva Garcia!

Thursday, November 12

Kingdom 37 (Part 1)

Nobyembre taong 1994 ang petsa na kung saan nabuo ang pangalang ito. Ikalawang taon sa high school, 'di ko lubos maisip na labin-limang taon na ang nagdaan. Mahigit 180 buwan o katumbas ng 5,475 araw na rin pala ang nakalipas. Whew, 'Antatanda nyo na pala! J

Tatlumpo't pitong paslit ang nagsama-sama sa iisang biology class field trip. Dalawang jeep ang inarkilahan at pilit kaming ipinagsiksikan (buti na lang at payat pa ako noon). Tanda ko pa Paradise Beach Resort sa Samal Island, Davao kami namahinga. Puno ng kasiyahan ang bumabalot sa mga oras na iyon... Kantahan, kwentuhan, kulitan at kainan ang nagaganap. Naghahari ang katagang "camaraderie". Biglang isip at sabay tanong sa sarili.. nakakain ba ang "camaraderie"? Tunog kare-kare kasi. Hayaan nyo na, ganito lang ako bumanat ng joke. Kung bakit naman kasi di ako pinagpalang magkaroon ng sense of humor.

Halos ang hirap ng alalahanin kung ano nga bang pagbabago meron ang bawat isa sa amin ngayon. Madalang na kasing nagkikita-kita, at kalimita'y pamilyado na. Hindi mo sila masisisi, tumatanda na tayo at kailangan na nang may makasama (Lagot! Sabay lunok..).

Isa ako sa mga taong always present pag-reunion. Umuuwi ako pagpanahon ng pasko, malamang ngayon lang mapupurnada ang bakasyon ko. Maswerte na paglampas isang dosena ang nagpapakita. Habang tumatagal, lalong lumiliit ang bilang ng dumadalo. Syempre 'di alintana ang bilang, ang mahalaga'y nagkakasalu-salo sa handaan.

Alam kong pansin nyo rin na paulit-ulit nating kinukwento ang mga karanasang nakatatak na sa ating isipan, mga kalokohan at ating mga kapalpakan. Kasabay nito ay ang papapatugtog ng nakalakhang "Minsan" ng bandang Eraserheads. Tila ito'y isa ng panata na maihahambing sa tuwing sasapit ang mahal na araw. Paulit-ulit ngunit hindi ka magsasawang muli itong pakikinggan, talagang matatawag na musika na kay sarap balik-balikan. 

Ilang araw na lang, magpapasko na.. Miss ko na ang buong barkada. Sa mga kaibigan kong nakabasa nito, Maligayang Anibersaryo ang bati ko para sa'yo!




Monday, November 9

…miss na kita

Mahigit dalawang buwan din nang tayo'y huling nagkita at nagkasama. Dalawang buwan na walang imikan at kibuan. Dalawang buwang tinitiis ang pagkawalay sa isa't-isa. Pilit kinakalimutan ang bawat araw na wala ka sa piling ko at sa bawat gabing wala ka sa tabi ko. Lagi kang laman ng isip ko, lalung-lalo na sa tuwing ako'y nalulungkot, walang makasama at nababagot sa buhay-OFW.

Ilang beses na kitang sinubukang palitan, nagbabakasakaling maibsan man lang itong aking nararamdaman. Subalit iba pa rin ang pakiramdam na dulot kung ikaw ang aking katuwang. Abot langit ang hatid, at walang katumbas na saya ang iyong naipapadama.


Minsan sa ating buhay, darating ang panahon na kailangan nating magsakripisyo't magtiis. At mag-isip kung karapat-dapat ka nga ba sa piling ko habambuhay o kailangan ko ring maghanap-buhay. Ewan at anong gayuma ang ginamit mo at baliw na baliw ako sa'yo. Laging hanap ang swabeng sipa na dulot mo. Miss na kita, O RED HORSE ko!


Tuesday, November 3

Kagila-gilalas na kwintas

Anong gagawin mo kapag ikaw ay may tumataginting na 100K Saudi Riyals? Ang halaga nito'y mahigit 1.2M pesos sa atin. Saan galing ang perang binabanggit ko? Hindi ito premyo ng isang lottery draw at lalong hindi ito galing sa pork barrel ng mga pulitiko. Ito ay ang halaga ng isang "dog collar" lang naman. Opo, tama ang pagkakabasa nyo, isang kwintas ng asong 'di alam anong gagawin sa kanyang limpak-limpak na kayamanan.


'Langyang buhay talaga, halos mabitawan ko ang alaga n'ya at ako'y napatunganga nung sinabi niya sa akin kung magkano ang halaga. Isang napakaswerteng Chihuahua ang kasalukuyang ngsusuot ng "dog collar" na 'yan. Alam kaya nya na ang kwintas nyang dinadala ay milyon ang halaga? At kinaiinggitan din ba siya ng mga kapwa asong mumurahing "dog collar" lang ang kaya? Ngayon napatunayan ko na ayos din pala maging aso. Pero 'di ko pa rin ipagpapalit ang pagiging tao para lamang masabing isa na akong milyonaryo.



Paano nga ba mangilatis ng tunay na bato at baka ang sinasabing alahas ay nagmula lang sa puwet ng baso? O 'di kaya'y likas na palabiro at ginu-good time lang ako ng taong ito. Kung sa itsura babasehan mukha namang desente ang pinagmulan. Rolex ang relo at may salaming D&G na nakasabit sa ulo, o uso rin ang mga imitations dito?


Isang daan na diamanteng bato, sa leeg ni Don Kabel nakapulupot ito! Kukunan ko sana ng litrato, kaso napadalawang-isip baka pagagalitan ako. Nilasap ko na lang ang pagkakahawak dito at baka ang swerte malipat sa aking mga kamao. 'Di ko lubos maisip kung bakit may mga taong ganito, marahil napanood lang nila ang "Beverly Hills Chihuahua", ang palihim na sagot ko sa sarili.

Monday, November 2

Mr. Mananabas

Undas na, napapanahong muli ang mga katatakutan at kababalaghang mga nilalang. Andyan ang multo, manananggal, tiyanak, white lady, kapre.. atbp. Mukha lang akong multo at puno ng kababalaghan ang pagkatao ngunit 'di ako tulad nila gaya ng nasa isip mo.

Ako'y napabuntong-hininga at napatingin sa kisameng lamig ng hangin ang sinisinga. Bigla kasing may sumulpot na ibong Java (Finch) nakawala sa kanyang magarbong longga. Sure na sure ako na tamang breed ang nasabi ko, 'di tulad sa mga nauna kong blog na puro hula ang sagot ko. Feeling ko nga na-possessed akong bigla ni Archie. Hindi mo ba kilala si Archie Mendoza? 'Yung sikat na sikat dati sa telebisyon, siya ang ex-BF at palagay ko'y ang ama ng pinagbubuntis dati ni Madame Auring. Kitam! Nakakapangilabot isipin 'di ba? Hardcore!

Bigla ko tuloy naalala ang isa sa mga nakakatuwang libro na aking nabasa. Si Jessica Zafra ang may-akda, at ang pamagat ay "Manananggal Terrorizes Manila". Nakaka-aliw itong basahin, dahil habang binabasa ko ang libro, katabi ko nama'y isang diksyonaryo. Ingles kasi ang pagkakagawa, kaya isinalin ko muna sa sarili nating wika.


Bisaya ang salitang Mananabas (malamang ganun din kung isalin sa ating wikang tagalog, halo-halo na kasi ang nakalakhan kong mga salita kaya pati ako'y 'di alam kung alin nga ba ang alin, gets?), sa mga walang ideya bibigyan ko kayo ng isang halimbawa. Pwede siyang maihahambing kay Chop-chop King, na asawa ni Aling Luningning, at may anak na pinaglihi sa isang kuting (mas lumabo pa ata!). Siya si Mr. Mananabas, kakabahan ka tuwing sasapit ang araw ng sahoran! 'Yan ang tawag namin sa isang taong "tumulong" sa amin. Pinauso ng kasamahan kong beterinaryo rin, nabuo ito ng dahil sa masaklap naming karanasan sa isang kapwa pinoy pa man din. Milyonaryo na ata ang gonggong na Mr. Mananabas. Wala na akong balita sa kanya, at wala akong balak na siya'y makita pa. Delikado baka may utang pa ako sa kanya, tiyak ubos ang kakarampot na ipon kong pera. Kaya malaking GOOD LUCK ang ibibigay ko sa mga taong makakasalamuha niya.

Clue? Isa siyang kapreng nagbabalat-kayong tao. Masahol pa nga ata sa kapre ang pagkatao nito. Pero laking pasasalamat pa rin ang alay ko sa'yo. Nang dahil sa "tulong" mo'y, malamang nasa Pilipinas pa rin ako.