Tuesday, January 26

Just married: 10 years validity



Napangisi ako at sabay iling nang makita ko sa GMA News ang balita hinggil sa proposal ng mga kababaehan na ipasa bilang batas ang marriage with expiration date. Sampung taon ang itatagal ng kontrata. Kung sa tingin ninyo'y kayong dalawa ang itinadhana para sa isa't-isa, i-renew at pagtibayin pang lalo ang inyong pagsasama. Sounds cool di ba? Para ka lang namili ng isang kagamitan na kung ayaw mo na at may nakita kang mas kaaya-aya, ay iiwan mo siya. Pero konting pasensya at tiis nga lang, dahil sampung taon pa ang gugugulin para makasama ang bagong mamahalin.

Ang panukalang ito ay pakana ng 1-Ako Babaeng Astig Aasenso o 1-ABAA. Adbokasiya ng makakaliwang grupo, este partylist group pala na hikayatin ang bawat babae na maging bukas sa larangan ng negosyo, magkaroon ng magandang trabaho, at sa paraan na sila'y maging stable sa pananalapi.

Likas na sa ating mga Pinoy ang pagiging konserbatibo, lalong-lalo na karamihan sa atin ay mga katoliko. Sa tingin n'yo ba'y makakalusot ang probisyong katulad nito? Bilang isang kristyano, ipinamulat sa akin na sagradong maituturing ang pag-iisang dibdib ng dalawang nagmamahalan. Ipinangako ng bawat isa na walang makapaghihiwalay sa hirap man o ginhawa, at hanggang sa malagutan man sila ng hininga (ganun talaga, always tragic ang ending).

Alam kong 'di ako bihasa sa mga paksang gaya nito, sino ba naman ako para manghusga at pumuna gayong 'di ko pa nararanasan ang makapag-asawa. Pero sa mura kong kaisipan (naks! feeling virgin…), nakakabaliw ang panukalang ito. Hindi ko lubos maisip na sa hinaharap ay papalit-palit ako ng misis. Hindi ba pwedeng punan na lang ng pang-unawa at pagtitiis, kapag may mga bagay na sa tingin mo'y hindi kanais-nais? Talagang hindi perpekto ang pagsasama ng mag-asawa, parte ito ng buhay para ang inyong relasyon ay lalong tumibay. Kaya bago magpatali sa inyong mga dyowa, pag-isipan ng maigi kung ika'y handang-handa na nga bang talaga!

•ŠLŸ•

Wednesday, January 20

Hithit-buga



Cigar, yosi, tabako, sigarilyo… 'yan ang tawag sa bagay na hinihithit at usok ang ibinubuga. Isang paglilinaw lang mga ka-tropa ito lang ang alam kung bagay na hinihithit at usok ang dinidighay at wala ng iba, peksman… mamatay ka man! Sa Ingles, Cross my heart and hope you'll die. (Malala na sakit ko sa kakornihan, pati ako'y nasusuka na.)

Dito sa Saudi, ito ang lagi mong napapansing eksena. Hithit doon, buga rito. Palibhasa'y bawal ang alak dito sa disyerto, kung meron man hindi brewer's yeast ang pinagmulan, kundi malt ang source ng inumin. Kung ikaw ay lasingerong tulad ko, tiyak maninibago ka, pero swak na rin sa panlasa. Mabuti na ang meron kesa sa wala, kaya pinag-aralan kong makuntento habang maaga pa. Problema nga lang hindi ka malalasing. Kung tatamaan ka man, sigurado akong hindi 'yun sa alak nangggaling. Dahil lasing ka sa nagasto mong inumin.

Sari-saring brands ng yosi ang makikita mo. Syempre di mawawala ang nakasanayan nating si Pareng Marlboro at Phillip Morris. Katabi nito sina Ginoong Davidoff at Dunhill. Iilan lang 'to sa mga brands ng sigarilyong bubungad sa'yo. Dati-rati'y si Pareng Marlboro ang aking kapiling subalit ngayon nag-iba ang ihip ng hangin. Opo, nakakapag-yosi ako rito mahal kong Inay. Huwag ako ang pagagalitan… Ibuntong mo ang galit sa Saudi, at subukang mag-rally sa harap ng embassy na gawing legal ang alak dito sa Saudi. J

Isang araw nagkataong wala si Pareng Marlboro, kaya si Ginoong Davidoff ang aking sinubukan. Ayos ang feeling sa lalamunan, "ultra light" nga ang iyong mararanasan. Matapang kasi at tila lagi akong uhaw pag si pula ang aking natitikman. Dito ko napatunayan na sa yosi 'andaming matitigas ang ulong kagaya ko. Tila walang epekto ang "Government / Health Warning", at lalong di napapansin ang iba't-ibang naidudulot na sakit at sa mga nakakadiring larawang nakadikit. Hindi ko naman ito sinasawalang bahala, alam kung ito ay masama kaya nga moderate lang ang aking paghihithit-buga.

•ŠLŸ•

Tuesday, January 12

Kool kong INA

Ermat, Mama, Berk Chit at Tita Titz.. 'Yan ang kadalasang tawag ko at ng mga barkada sa pinakamamahal kong Ina. Hindi ko na gaano matandaan kung san nagsimula ang Berk Chit at Tita Tits. Marahil doon 'yun sa kasikatan ng Youth Oriented Show ng Dos na ang pamagat ay "BERKS". Ito'y pinagbibidahan nina Heart Evangelista, John Prats, Carlo Aquino at Angelica Panganiban. Kung 'di nyo talaga ma-gets, paki-ask na lang si Henyong Google.

 
Extreme si Ermat pagdating sa pananamit at sa kanyang lifestyle. May panahon na donyang-donya ang ayos, at may oras din na gusgusin ang dating. Okey lang sana kung sa bahay , pati ba naman sa pamamalengke minsan ay punit-punit ang susuotin?! Walastik talaga! Sa kasalukuyan nyang edad na 66, nagmamaneho at nakikipagkarerahan pa yan gamit ang bulok naming wheels. Nagbibisikleta papuntang simbahan na akala mo'y sasali sa cycling marathon. Pero simula noong siya'y natumba at tumilapon sa kalsada, pinakadena ko na ang paborito niyang bisikleta. Nakupo, aantayin ko pa bang mababalian siya?

Barkada ni Ermat ang mga kaibigan ko. Minsan nga pakiramdam ko'y sila na ang magbabarkada at ako ang kanyang istriktong ama! Kung may dadalaw na kaibigan hindi ako ang unang hinahanap, siyempre sino pa ba kundi siya. Pero ok na rin at least bagets pa rin si Tita Tits. Nitong buwan nga nakipagreunion siya, pero hindi sa kanyang mga ka-batch, kundi sa mga beterinaryo kong kaeskwela. Ganyan siya katindi! Hardcore! At nagdahilan pang siya raw ang proxy. Haayyy.. nakakamiss talaga ang aking Ina at ang mga barkada. Lalong-lalo na kapag ika'y nag-iisa sa ibang bansa. Ikaw? Ka-Barkada mo ba ang iyong Ina?

Trip nyo ba'y pruweba kung gaano ka-KOOL ang aking ina? Ito ang ilang larawan kasama nang kanyang mga katropa :


Ang DEBUTANTE at kanyang mga ESCORTS (L-R: Paul, Gemma, Gay, Ermat, Hamsa, Chengot at Mark), .


Kayo lang ba marunong ng ganitong peace sign?!


Sa araw ng kanyang kasal, 'di sumipot ag GROOM(L-R: Mark, Melissa, Love2, Hamsa, Ermat, Maricel at Angie).


Posing na man dyan mga repa pipz! (w/ Atty. Gel)

Saturday, January 9

Ultimate Libangan


Talagang nakakabagot ang buhay OFW, lalong-lalo na kung ika'y napadpad sa lugar gaya ng Riyadh. Unang linggo ko rito'y tila isang buwan diyan sa Pinas. Pakiramdam ko'y kaybagal ng takbo ng oras. Bagong salta, kaya walang mga kakilala. Nangangapa sa dilim, 'di alam kung ano ang gagawin. Inaasahan ko nang mangyayaring ang ganito, pero hindi ko inaakala ang tindi ng lungkot na bumabalot dito.

Kung ikaw ay isang taong sanay sa lakwatsa at gimik, iwas ka na lang sa lugar na ito. Dahil sigurado akong madidismaya ka rin kagaya ko. 'Di naman talaga ako certified gimikero. Bookstore, internet at sinehan lang naman ang bisyo ko. Kapag meron ang tatlong ito, siguradong abot hanggang tenga ang ngiting nakapinta sa mukha ko. Pero rito, hindi todo ngiti ang nararansan ko sapagkat bawal ang sinehan sa bansang ito.

Bookstore? Nakakadismaya ba at hilig kong tumambay sa madaming libro? Batid kong wala sa itsura ko ang pagiging matalino, pero kahit papano nakakaintindi naman ng likha ng mga inglesero. Naging bisyo ko ang ganito simula nang may nagregalo sa akin ng librong ABNKKBSNPLAko! ni Bob Ong. At mas lumala pa nang mabasa ko ang mga obra nina Dan Brown, David Baldacci at Vince Flynn! Alam kong puro mga banyaga ang mga ito, ngunit may mga talentong pinoy din naman akong sinusubaybayan. Lingid kay Bob Ong, nasa listahan ko rin sina Eros Atalia, Jessica Zafra, Gary Lising at Pol Medina, Jr. ng Pugad Baboy®. Kung isa sa kanila hindi nyo nakikilala, bilisan ang kilos at i-google nyo na!

Internet ang ultimate pastime ko tuwing walang ginagawa. Kadalasan abala sa pagtatanim ng mga gulay at pamimitas ng mga bunga sa FarmVille. Sunod kong pinapakain ang mga isda at nililinisan ang tangke sa FishVille. Nauubos ang oras sa pagdalaw ng mga kaibigan sa YoVille. Sa ngayon, kasalukuyan kong nililigpit ang nabubulok kong tinda sa Café World, at inaayos ang makalat na bahay ni Kolokoy sa PetVille. Iyan ang buhay ng adik sa Facebook! Bukas susubukan ko ang Plants Vs. Zombies ng Yahoo Games para maiba naman. Ikaw anong level ka na ba? Pa-add naman as neighbor oh, please?



photo: http://bellurramki18.wordpress.com/

_sly_

Saturday, January 2

Uso ang BILOG!


Pagbirthday, may cake dapat na nakahain. Kung binyag ang pag-uusapa'y may litsong inaabangan, lalong-lalo na kapag fiesta sa mga probinsya o lalawigan. Sa panahon naman ng pasko, hindi nawawala ang mga paborito kong hamon at keso de bola. At pagbagong taon, laging nasa hapag-kainan ang mga pagkain at mga prutas na hugis bilog!

Lahat dapat ay bilog! Hindi lamang sa tsibog, kundi pati na rin sa mga damit na susuotin ay prerequisite na may bilog din! Paano na lang kung katulad ko na mukhang bilogin? kailangan pa bang sundin ang ganitong pamahiin?

Isa si ermat sa mga panatikong naniniwala sa mga ganitong pamahiin. Nakikinita ko na kung ano ang itsura ng bahay namin ngayon kahit na wala ako doon. Karamihan ng makikita mo ay hugis bilog. Kasi nga raw swerte ang bilog sa pagpasok ng bagong taon. Pera raw kasi ang ibig sabihin ng bilog. Kapag maraming bilog, maraming salapi! Kaya ganito na lang kaseryoso ang pinakamamahal kong Nanay. Nagbabakasakali pa ring balang-araw siya'y yayaman.

Bakit ba bilog lang ang pwede? Bakit hindi na lang parihaba? Isip ko kasi kung bilog, barya-barya lang ang aabutin. Samantalang kapag parihaba, siguradong libo-libo ang nanamnamin. Dahil bills na ang pinag-uusapan, hindi na coins. Big time!

Isa lamang ito sa mga tatak Pinoy nating pamahiin. Samo't-saring ginagawa at sari-saring paniniwala sa taon-taon nating paggugunita. Pero dapat nating tandaan at hindi dapat kalimutan na magpasalamat sa magandang taon na nagdaan at sa panibago na namang taon na haharapin. Manigong bagong taon!

_sLy_