Saturday, March 27

"Siya"


Natagpuan ko na "siya" (na naman)… Dumating na "siya" (na naman uli!)…. Napulot ko "siya" sa isang social networking site. Oo, nakita ko lang kasing pakalat-kalat sa kung saan kaya pinulot ko na at baka ako'y masalisihan pa. TRIVIA: Huwag ng tangkain pang hanapin sa fezbuk at sa jologs na prendster dahil hindi n'yo siya makikita. Itinago ko siya sa kasuluk-sulokan. Ayaw ko kasing maging magulo bigla ang buhay n'ya at 'di pa "siya" handa sa buhay artista.

Koon na kool naman "siya", [1]matinong kausap, [2]matured ang pag-iisip ('di katulad kong parang retarded, halatang kulang sa bitamina), [3]nagjo-joke paminsan-minsan (tawa lang ako ng tawa kahit 'di naman nakakatwa dahil napaglumaan na ang kanyang mga hirit – ganyan ang pag-ibig, bolahan! Este may respeto), [4]maingat sa mga bagay (opposite kami dahil ako burara!), [5] hindi demanding (dahil siguro alam niyang hindi ko mabibili ang gusto n'ya), at [6]ang pinaka-importante sa lahat ay natatagalan n'ya ang kagaya kong adik kung mag-isip.

Noong una nga hindi ako makapaniwala, akala ko nabagok lang ulo n'ya sa semento o 'di naman kaya ay maluwang lang talaga ang kanyang tornilyo. Ang kinakatakot ko ay baka isang araw biglang matauhan at manghinayang sa kalbaryo na kanyang pinasukan. Sana naman Lord ito na ang taong sasalba sa unti-unting pagdilim ng kinabukasan na aking nararanasan. 'Yung tipong "siya" ang magsisilbing liwanag at gabay sa aking dadaanan. Shet! *goosebumps*

Tingnan natin kung ano ang kahihinatnan ng magulo,masaya, masarap (insert devil smile) at excitement na dulot ng pag-ibig.

Monday, March 15

Vote wisely!


Dalawang buwan na lang ay halalan na. Kaya naman kayod kalabaw ang ginagawang pangangampanya ng ating nagpipitagang (?) mga kandidato. Artistahing ngiti, kontodo kaway at kaliwa't kanang pangungumusta ang drama ng mga trapo, este, pulitoko. Gagawin ang lahat para maibenta ang sarili sa mga botanteng mamamayan.

Buwan ng Nobyembre palang ay panay na ang banat nila ng mga pakulo sa radio, peryodiko at higit sa lahat sa telebisyon. Samu't-saring political advertisement na ang napapanood natin. Ang iba'y nakaka-antig ng puso, meron ding mga pagkakataon na parang nagmamakaawa o pinilipit na nagmumukhang dukha, at ang iba naman ay pwede ng gawing istorya sa teleserye.

May ideya ba kayo kung magkano ang perang inilabas ng mga pulitoko para lang makuha ang matamis nating "OO"? Hindi pa man nagsisimula ang pangangampanya ay bilyong piso na ang nadaleng pera. Bilyon, at hindi milyon lang. Putik na posisyon yan! Isang bilyong pohonan para sa 60K sahod kada buwan? Ganito ba dapat ang perang iipunin para makamit mo lang ang pinakamataas na katungkulan sa ating bansa? Oo nga pala, hindi natutumbasan ng pera ang pagkakataong makapagsilbi sa ating bansa **insert devil laugh**.

Siguradong kawawa na naman ang mahihirap nating mga kababayan dahil laging sila ang pinupuntirya at ginagamit tuwing halalan. Madali kasing makakuha ng simpatya sa mga taong isang-kahig-isang-tuka. Sila rin ang kawawa kapag naluklok na an lider na kanilang tinitingala. Hindi ko man nilalahat subalit laging ganito ang sitwasyon na kanilang tinatahak. Kailan pa kaya tayo magkakaroon ng matinong mamumuno? May pag-asa pa ba ang minamahal kong bansa para umasenso? O baka naman ay suntok sa buwan na lang at idaan sa matinding dasal ang minimithi nating pagbabago?

VOTE WISELY! Ikaw ang simula…ng pagbabago!

Sabi ko dati sa sarili, hinding-hindi ako magsusulat ng politics ang tema. Dahil sasama lang ang loob ko at iinit lang ang ulo ko. Pero hindi ko pala kaya, kailangan na itong ilabas at baka ako ang sasabog at mawalan bigla ng poging nagbo-blog! Pagbigyan nyo na, sumegwey lang!

Wednesday, March 10

Ang pagbabalik

IM BACK! Kaya kayo'y dapat pumalakpak! Putik pa-importante pa ang loko.  Pasensya mga kabayan at ngayon lang uli ako nagparamdam at hindi man lang ako nakapagpaalam. Dahil sa dalawang linggo kong pananahimik dito sa blogosperyo, may mangilan-ngilan ang nagtanong  kung saang lupalop na ako nakarating (may mga taon pa palang concern sa akin, kala ko wala na akong halaga sa mundo). Marahil ang iba ay nag-isip kung baka may masama nang nangyari sa akin, na ikatutuwa naman ng karamihan dahil mababawasan sila ng kakumpitensiya sa papogihan!  Siguro ang iba naman ang alam na ako'y nagbabakasyon lamang sa France, Spain o Greece (ambisyoso! in your dreams mister!).  O baka nagka-lablyf na kaya bigla nalang nawala na parang bula.

Ang totoong dahilan, nagkasabay-sabay lang ang aking showbiz career at lablyf! Biro lang, hehehe. Baka kasi isipin nyo iiwan ko na ang pagsusulat at maging seryoso nalang sa pag-aartista. Lakas talaga ng tama ko ngayon!. Subsob lang talaga ako ngayon sa trabaho at laging pagod ang katawan kong matipuno. Nagbakasyon ang magaling naming manedyer at ipinasa sa akin ang pamamahala sa mga super-duper-tamad na caretakers. Sakit sa ulo ang laging baon pag-uwi ko.

Hanggang kailan ang ganitong kalbaryo sa buhay ko? Makakayanan ko ba ang pagsubog na ganito? O tuluyan akong mabaliw dahil dito? O baka naman talagang   normal lang na pagdadaanan ito ng tulad kong gwapo? Syet! Kapal muks talaga!

Pahabol:
Seryoso na po ang susunod kong entry, 'di na tulad nito na parang tae! LOL