Friday, October 30

Init sa Middle East…

Pangalawang labas ko ng 'Pinas at una kong byahe sa gitnang silangan, kaya maraming sumasagi sa isip ko kung anong klase buhay meron sa disyerto. Kung ito'y naging tubig pa, dahan-dahan akong nilulubog sa sobrang lalim nito. 'Di ko lubos maisip kung gaano kainit ang sinasabi nilang init sa Kaharian ng Saudi Arabia. At totoo bang hirap sa tubig ang bansa? Kaya ganun na lang ang haka-hakang iba ang amoy kung ito'y ikukumpara sa tulad kong pinoy?

Connecting flight ang byahe ng Cathay Pacific patungong Saudi. Una kung lapag ay Hong kong, sumunod sa Bahrain at sa wakas Saudi na! Kung susumahin lahat, halos buong araw akong naglakbay. Buti na lang at pinoy ang katabi ko sa upuan at natipid ang katago-tago kong baon sa Inglesan. Palibhasa, isang balde lang ang dala kong bokabularyo kung nagkataon di ko alam kung san ako kukuha para punan ito. Ewan, at bakit pilipit ang dila ko sa salitang banyaga. Minsan tuloy naisip kung dapat bang ibuntong ang sisi sa mga magulang sa 'di pagsanay sa kanilang anak na maging tunog banyaga? Subalit nangingibabaw pa rin ang aking pagka-Rizal, ayaw kong maging mabantot tulad ng isda – kaya mahalin ang sariling wika. Lusot!

Unang hakbang palang sa paliparan ng KSA, 'dami ng napapansin. Pinanganak lang ba talaga akong mausisa, o pinaganda ko lang ang mga salita sa taong mahilig mamuna? Pero todo iwas ako sa pagpuna, kung meron man sinasarili ko na lang ito at baka pag-uwi ko kalahati na lang ako. Payag ako basta ba pahaba ang hati, at least makikilala pa rin ako.. Yun nga lang side view ang angle for identification. Kaya sa future pictures ko, asahan nyong puro side view na ang mga kuha ko. Naku, change topic tayo, ayoko ng paksang ganito :-X

Paglabas ko ng paliparan dito ko napatunayang walang kasing init ang mararamdaman mo rito, tagos hanggang boto ang sasalubong sa'yo. Dito ko naranasang kahit madaling-araw ay parang tanghali sa atin. Sumagi tuloy sa isip ko na sinasanay ko lang ba ang magiging buhay ko sa piling ni Ginoong Bwahaha? Puna ko lang, bakit nga ba pag mala-demonyo o villain ang papel na ginagampanan ng isang aktor sa isang pelikula'y "BWAHAHA" ang dapat na halakhak nito? Pati sa komiks ay ganun din. 'Di ba pwedeng "HARHARHAR" na lang? O ibang tawa naman for a change? Matanong nga kina Bb. Joyce Bernal, Direk Wenn Deramas at Bobot Mortiz.

Pero ubod ako ng saya at 'di totong taghirap ng tubig dito, sa katunayan tatlong beses sa isang araw pa rin ako nakakaligo. 'Yun nga lang, isalin mo na sa malaking batya para ito'y lumamig sa susunod na ligo. At kung likas na tamad ka gaya ko, at may galis sa balat (na tulad n'yo, lambing lang!) pwedeng diretso shower na at nang malagas pati balat mo. Kaya mali ang haka-hakang iba ang amoy nila sa atin. Ibang lahi, maaari pa, pero pag-Arabo hindi naman.

9 comments:

Rebecca said...

Hi there! I still cannot believe you moved there from Singapore! You write well and thank you for sharing your thoughts. My bro-in-law used to work there (somewhere) and he's told us some pretty interesting stories too. Is the water really that hot (warm) for bath? Whew! Must be a huge adjustmemt for you :) write more... Can't wait for the k37 blog!!

Sharon said...

Ayos sly! In the near future baka talunin mo pa si Bob Ong nyan hehehe I'll make sure na susundan ko lahat ng isusulat mo...Galing!

OFW said...

[REBECCA] oo, tubig-init pwedeng pangkape. bukas or sa makalawa baka i-post ko na (K37).
[SHARON] dami pa akong kakaining bigas para maabot si bob ong. Kung si bob ong ay Russia, ako nama'y Vatican City :)

iresh said...

whoa!!!!... saludo na talaga ako sa'yo sly. keep it up! :) aabangan ko ang next blog mo.

SLY said...

[IRESH] natsambahan lang, salamat sa dalaw at suporta.

j0hx said...

islay .. hindi ako magtataka kung sa pag uwi mo ay mas maputi ka na kaysa akin dahil sa kakaligo mo sa mainit na tubig .. bwahaha

jean said...

Nakakaaliw;o) haha... at interesting tito sly ha. free lesson on saudi arabian culture. galing!

RJ said...

Alam kong sa Singapore nu'ng unang dating mo ay marami ka ring napapansin at napupuna. Pero habang lumalaon, nasasanay ka na rin. Kaya siguro after a year, pakiramdam mo lahat ay normal na.

Magaling kang magsulat, humurous blog pala ito. (Nakarating ako rito galing kay Naks Naman- Abe Mulong Caracas.)

SLY said...

[RJ] malaking compliment yan doc para sa akin :) ayos at nakapasa sa iyong panlasa...