Showing posts with label bisyo. Show all posts
Showing posts with label bisyo. Show all posts
Wednesday, January 20
Hithit-buga
Cigar, yosi, tabako, sigarilyo… 'yan ang tawag sa bagay na hinihithit at usok ang ibinubuga. Isang paglilinaw lang mga ka-tropa ito lang ang alam kung bagay na hinihithit at usok ang dinidighay at wala ng iba, peksman… mamatay ka man! Sa Ingles, Cross my heart and hope you'll die. (Malala na sakit ko sa kakornihan, pati ako'y nasusuka na.)
Dito sa Saudi, ito ang lagi mong napapansing eksena. Hithit doon, buga rito. Palibhasa'y bawal ang alak dito sa disyerto, kung meron man hindi brewer's yeast ang pinagmulan, kundi malt ang source ng inumin. Kung ikaw ay lasingerong tulad ko, tiyak maninibago ka, pero swak na rin sa panlasa. Mabuti na ang meron kesa sa wala, kaya pinag-aralan kong makuntento habang maaga pa. Problema nga lang hindi ka malalasing. Kung tatamaan ka man, sigurado akong hindi 'yun sa alak nangggaling. Dahil lasing ka sa nagasto mong inumin.
Sari-saring brands ng yosi ang makikita mo. Syempre di mawawala ang nakasanayan nating si Pareng Marlboro at Phillip Morris. Katabi nito sina Ginoong Davidoff at Dunhill. Iilan lang 'to sa mga brands ng sigarilyong bubungad sa'yo. Dati-rati'y si Pareng Marlboro ang aking kapiling subalit ngayon nag-iba ang ihip ng hangin. Opo, nakakapag-yosi ako rito mahal kong Inay. Huwag ako ang pagagalitan… Ibuntong mo ang galit sa Saudi, at subukang mag-rally sa harap ng embassy na gawing legal ang alak dito sa Saudi. J
Isang araw nagkataong wala si Pareng Marlboro, kaya si Ginoong Davidoff ang aking sinubukan. Ayos ang feeling sa lalamunan, "ultra light" nga ang iyong mararanasan. Matapang kasi at tila lagi akong uhaw pag si pula ang aking natitikman. Dito ko napatunayan na sa yosi 'andaming matitigas ang ulong kagaya ko. Tila walang epekto ang "Government / Health Warning", at lalong di napapansin ang iba't-ibang naidudulot na sakit at sa mga nakakadiring larawang nakadikit. Hindi ko naman ito sinasawalang bahala, alam kung ito ay masama kaya nga moderate lang ang aking paghihithit-buga.
•ŠLŸ•
Saturday, January 9
Ultimate Libangan
Talagang nakakabagot ang buhay OFW, lalong-lalo na kung ika'y napadpad sa lugar gaya ng Riyadh. Unang linggo ko rito'y tila isang buwan diyan sa Pinas. Pakiramdam ko'y kaybagal ng takbo ng oras. Bagong salta, kaya walang mga kakilala. Nangangapa sa dilim, 'di alam kung ano ang gagawin. Inaasahan ko nang mangyayaring ang ganito, pero hindi ko inaakala ang tindi ng lungkot na bumabalot dito.
Kung ikaw ay isang taong sanay sa lakwatsa at gimik, iwas ka na lang sa lugar na ito. Dahil sigurado akong madidismaya ka rin kagaya ko. 'Di naman talaga ako certified gimikero. Bookstore, internet at sinehan lang naman ang bisyo ko. Kapag meron ang tatlong ito, siguradong abot hanggang tenga ang ngiting nakapinta sa mukha ko. Pero rito, hindi todo ngiti ang nararansan ko sapagkat bawal ang sinehan sa bansang ito.
Bookstore? Nakakadismaya ba at hilig kong tumambay sa madaming libro? Batid kong wala sa itsura ko ang pagiging matalino, pero kahit papano nakakaintindi naman ng likha ng mga inglesero. Naging bisyo ko ang ganito simula nang may nagregalo sa akin ng librong ABNKKBSNPLAko! ni Bob Ong. At mas lumala pa nang mabasa ko ang mga obra nina Dan Brown, David Baldacci at Vince Flynn! Alam kong puro mga banyaga ang mga ito, ngunit may mga talentong pinoy din naman akong sinusubaybayan. Lingid kay Bob Ong, nasa listahan ko rin sina Eros Atalia, Jessica Zafra, Gary Lising at Pol Medina, Jr. ng Pugad Baboy®. Kung isa sa kanila hindi nyo nakikilala, bilisan ang kilos at i-google nyo na!
Internet ang ultimate pastime ko tuwing walang ginagawa. Kadalasan abala sa pagtatanim ng mga gulay at pamimitas ng mga bunga sa FarmVille. Sunod kong pinapakain ang mga isda at nililinisan ang tangke sa FishVille. Nauubos ang oras sa pagdalaw ng mga kaibigan sa YoVille. Sa ngayon, kasalukuyan kong nililigpit ang nabubulok kong tinda sa Café World, at inaayos ang makalat na bahay ni Kolokoy sa PetVille. Iyan ang buhay ng adik sa Facebook! Bukas susubukan ko ang Plants Vs. Zombies ng Yahoo Games para maiba naman. Ikaw anong level ka na ba? Pa-add naman as neighbor oh, please?…
photo: http://bellurramki18.wordpress.com/
_sly_
Sunday, December 13
MELASON (Melai at Jason)
Kung hindi nyo sila kilala, malamang 'di ka adik sa panonood ng "Pinoy Big Brother: Double Up" o baka solid Kapuso ka lang talaga. Pwes ngayon na ang tamang panahon para maging traydor paminsan-minsan sa nakasanayan mo nang inaaabangan sa telebisyon. Oras na para maiba ang ritwal sa araw-araw, at humanda na sa bagyong hihigitan pa ang lakas ni Ondoy! Ito ay ang bagyong Melason!
MELASON, short for Melai and Jason, sila ang sikat na loveteam sa bagong edisyon ng PBB. Ito ang tambalang tatalo sa kasikatan ni Kim Chui at Gerald Anderson, ang tataob sa tandem nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo, at ang dahilan ng nararanasang kaba ni KC Concepcion at Piolo Pascual. Ganyan katindi ang tambalang Melai at Jason, talagang may lason ang hatid nito lalong-lalo na sa akin.
Kapag tapos na sa trabaho, ito lagi ang unang inaaatupag ko. Pang araw-araw na parte na ito ng buhay ko (kaya plano kong idamay pati kayo! Hehe). Hindi kumpleto ang gabi kung 'di nakakapanood ng PBB, at hindi kumpleto ang timpla ng buong araw kaya dapat walang mintis dito. Sa katunayan, sila ang pumapawi ng pagod ko sa buong maghapon. Laging halakhak at minsa'y kilig ang kanilang binibigay. Swak na swak kasi ang kumbinasyon. Si babae ay isang maingay at kikay, at si lalaki nama'y barumbado pero sweet din pala ang loko. Dagdagan mo pa ng anak nilang Denggeh ang pangalan, na 'di mo alam kung saang lupalop ang pinagmulan. Napakaganda kasing tingnan, para bang isang teleserye na dapat mong inaabangan. Mas okey pa nga kasi puro lang tawanan ang mararanasan.
Sana ay magtagal pa ang pamamalagi nila sa bahay ni kuya. Nang sa ganu'y may inaabangan pa akong nakakakiliting istorya. At sana'y hindi ito gaya ng isang pelikula - na isang palabas lang pala at puro kaplastikan lang ang dala. Nawa'y totoo nga ang kanilang nararamdaman at nang sa bandang huli'y sila ang magkakatuluyan.•ŠLŸ•
Subscribe to:
Posts (Atom)



